2 PATAY SA PAMAMARIL SA TIAONG HIGHWAY

QUEZON – Patay ang isang lalaki at isang babae sa pamamaril ng hindi kilalang mga suspek sa gilid ng highway sa bayan ng Tiaong sa lalawigang ito, nitong Martes ng madaling araw.

Batay sa report ng Tiaong Police, nakasakay ang hindi pa nakikilalang mga biktima sa nakahintong motorsiklo sa terminal ng tricycle sa Maharlika Highway at Tiaong-San Juan Road sa Barangay Talisay, at tila may hinihintay dakong alas-3:30 ng umaga.

Ayon sa witness, biglang dumating ang mga suspek at nagbunot ng baril.

Nakatakbo pa at humingi ng tulong ang dalawa sa katabing gasoline station nang makorner ang mga ito at malapitang pagbabarilin.

Natadtad ng tama ng bala ang mga biktima sa kanilang katawan at namatay noon din.

Pagkaraan ay naglakad lamang umano papalayo ang mga suspek.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga biktima na kapwa nasa edad 25 hanggang 35 anyos.

Inaalam din ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen at kung sino ang mga suspek. (NILOU DAGOS)

120

Related posts

Leave a Comment