RIZAL – Tiklo ang dalawang lalaking nagpakilalang konektado sa Bureau of Fire Protection (BFP), makaraang mangikil sa mga negosyante.
Agad inaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police, ang mga suspek na sina Joben Brian Gutietez at Henry Halaghay sa entrapment operation nang kukunin na ang pera sa remittance center sa Rodriguez, Rizal.
Ayon kay BFP Region 3 director, F/Supt. Roy Aguto, ginagamit ng dalawang suspek ang kanyang pangalan upang makapag-solicit ng pera sa ilang negosyante para sa isang gagawin umanong aktibidad, kaya agad siyang nakipag-ugnayan sa CIDG.
Base sa imbestigasyon, posibleng may kasabwat pa ang mga suspek na nagtuturo sa mga taong padadalhan ng solicitation letter.
Sinabi naman ni P/Maj. Leopoldo Cajipe Jr., provincial officer ng CIDG-Rizal, lumabas sa record ng pulisya, dati nang nakulong ang dalawa noong taong 2018 matapos gamitin ang pangalan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na kanila umanong kamag-anak, ngunit nakalaya matapos magpiyansa .
Kasong estafa ang kinahaharap ng dalawang suspek. (CYRILL QUILO)
