DALAWA pang miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang nadagdag sa bilang ng mga mambabatas na nabiktima ng COVID-19.
Nitong Miyerkoles, isiniwalat ni Pasay City Rep. Antonino Calixto na nagpositibo siya sa COVID-19 matapos sumailalim sa swab test nang makaranas ng mild symptoms.
Ayon sa mambabatas, sumailalim din sa swab test ang kanyang mga close contact kasama na ang mga miyembro ng kanyang pamilya ngunit negatibo ang mga ito sa COVID-19.
Gayunman, kailangang sumailalim ang mga ito sa 14-araw na home quarantine base na rin sa payo ng kanilang mga doktor.
Kaugnay nito, pansamantalang liliban sa trabaho ang kapatid ng kongresista na si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na nagkusang mag-home quarantine.
Paglilinaw naman ng alkalde, hindi siya naging close contact ng kanyang kapatid na mambabatas. Aniya, mas maiging sigurado para wala nang iba pang maperwisyo sakaling lumabas sa isinagawang RT-PCR test na siya ay positibo.
Noong Setyembre 5, 2021 ay kinumpirma naman ni Southern Leyte Rep. Roger Mercado na nagpositibo ito sa COVID-19.
Nabatid na sumailalim sa swab test ang 70-anyos na mambabatas bilang requirement sa dental surgery nito ngunit nagpositibo sa COVID-19
“To all persons I have spoken to or encountered, please take the necessary precaution and quarantine to avoid the spread of COVID-19. We will fight and heal as one,” panawagan ni Mercado.
Wala pang update report ang Kapulungan kung ilan na sa kanilang mga miyembro ang tinamaan ng nasabing virus.
Gayunman, tinatayang aabot na sa 20 congressmen ang nagkaroon ng COVID-19 mula noong Marso 2020. Tatlo sa mga ito ang nasawi sa nasabing virus na kinabibilangan nina Francisco Datol Jr., ng Senior Citizen Party-list; Ditas Ramos ng Sorsogon, at Antipolo City Rep. Resurreccion Acop. (BERNARD TAGUINOD/DAVE MEDINA)
146 