ARESTADO sa mga awtoridad noong Martes ang consignee ng shipment ng kush o high-grade marijuana, na tinatayang P2,198,400 ang halaga sa Lazaro St., Brgy. Sto. Niño, Marikina City.
Kinilala ng Bureau of Customs (BoC) ang consignee na si Arthur Antonio, 39, na dinakip sa anti-illegal drugs-controlled delivery operation na isinagawa ng composite team mula sa BoC-Port of Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa BoC, ang shipment ay idineklarang cookies, balloons, toys at school supplies at ipinadala galing sa California, USA ng isang nagngangalang Allan Gatchalian.
Gayunman, nang siyasatin ang package, nadiskubreng ang laman nito ay 1,832 gramo ng kush (marijuana).
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon laban sa suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Section 1114 ng Republic Act (RA) 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Ang team na dumakip sa suspek ay kinabibilangan ng mga miyembro ng BoC-NAIA’s Anti-illegal Drug Task Force, Enforcement and Security Service at Philippine Drug Enforcement Agency.
131 