DALAWA ang nasugatan at 51 bahay ang naapektuhan nang sumiklab ang dalawang sunog sa Taguig City nitong Setyembre 11.
Ayon sa Taguig City Fire Station, nagsimula ang unang sunog dakong ala-1:14 ng hapon sa isang palapag na bahay sa Block 1, Sitio Pusawan, Barangay Ususan, at kumalat sa kalapit na mga istruktura. Itinaas ang unang alarma dakong ala-1:29 ng hapon at ikatlong alarma alas-1:41. Nakontrol ang apoy alas-2:59 ng hapon at idineklarang fire out alas-5:09.
Kinilala ang dalawang nasugatan na sina Jennifer Labisto, 28, na nahirapan huminga at kasalukuyang naka-confine sa Taguig-Pateros District Hospital, at si Tho Ampao, 33, na nagtamo ng paso sa kaliwang pisngi at kaliwang braso ngunit tumangging dalhin sa ospital.
Tinatayang nasa 50 bahay ang naapektuhan ng sunog, na nagdulot ng P1.5 milyong danyos at nakaapekto sa 90 pamilya o 228 indibidwal. Ayon sa arson probers, nagsimula ang apoy sa sala ng isang bahay, ngunit patuloy pa ang imbestigasyon sa sanhi nito. Sa insidente, rumesponde ang 15 fire truck, isang rescue truck, at limang ambulansya.
Samantala, muling sumiklab ang sunog alas-8:37 ng gabi sa isang bahay sa Katipunan St., Barangay Bambang. Iniulat na nagmula sa nag-overheat na electric fan ang apoy, na nagdulot ng P20,000 danyos.
(CHAI JULIAN)
254 