2 SUGATAN SA PAMAMARIL NG HIT AND RUN SUSPECT

SUGATAN ang isang 16-anyos na binatilyo makaraang mabundol ng isang Mitsubishi Sedan habang sugatan din ang isang traffic enforcer at isang bystander nang mamaril ang tinutugis na hit and run suspect sa Tondo, Manila noong Biyernes ng tanghali.

Patuloy pang tinutugis ng mga awtoridad ang suspek na kinilalang si John Gabriel Villegas y Orosco, 29, ng Blk. 188, Lot 8, Sta. Maria St., Pembo, Makati City.

Habang nasa maayos nang kondisyon sina alyas “George,” 16-anyos na biktima ng hit and run; Mark Melan y Sumulong, miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), at ang bystander na si Renante Lepaopao, 43, na tinamaan ng ligaw na bala, pawang nilalapatan ng lunas sa Tondo General Hospital.

Batay sa ulat ng Manila Police District- Raxabago Police Station 1, bandang alas-11:15 ng tanghali noong Biyernes nang mangyari ang insidente ng hit and run sa Honorio Lopez Boulevard sa Tondo.

Ayon sa pahayag ng tatlong testigo, lulan ng bisikleta ang binatilyo nang mabundol ng Mitsubishi Sedan na may tampered plate number na AAD 3929.

Dahil dito, agad nagresponde ang traffic enforcer na si Melan ngunit biglang pinaharurot ng suspek ang kanyang sasakyan na nagresulta sa habulan.

Habang hinahabol ay namaril ang suspek naging dahilan upang tamaan ng bala sa puwet si Lepaopao.

Hanggang sa makarating ang habulan sa Mel Lopez Boulevard na dating Road 10 at dito na tinamaan ng bala ang traffic enforcer.

Pagkaraan ay iniwan ng suspek ang kanyang sasakyan na nawasak ang harapang bahagi at kinuha ang motorsiklo ng traffic enforcer na ginawang get-away vehicle.

Sa follow-up operation ng mga tauhan ng Smokey Mountain Police Community Precinct na sakop ng MPD Station 1, napag-alaman na ang may-ari ng sasakyan na minamaneho ng suspek ay isang babae, makaraang makipagkoordinasyon ang pulisya sa Highway Patrol Group ng NCR. (RENE CRISOSTOMO)

111

Related posts

Leave a Comment