QUEZON – Patay ang dalawang lalaking magkamag-anak na parehong taga Quezon City matapos pagbabarilin sa loob ng kanilang sasakyan sa Eco Tourism Road sa bayan ng Sariaya sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.
Batay sa nakuhang ID ng mga biktima, kinilala ang mga ito na sina Ace Perez Aceron, 38, at Rodolfo Perez Raval, 74, parehong residente ng Ilocos Sur St., Bago Bantay, Quezon City.
Ayon sa imbestigasyon ng Sariaya PNP, dakong alas-4:20 ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng mga biktima sa loob ng puting Nissan Urvan na may plate number NCR 5581, na nakahinto sa gilid ng northbound direction ng Eco Tourism Road, sakop ng Barangay Talaan Aplaya, Sariaya malapit sa boundary ng Lucena City.
May mga tama ng bala sa ulo ang nagmamanehong si Aceron habang may mga tama ng bala sa likod si Raval na nakaupo sa passenger seat.
Palaisipan naman sa pulisya kung bakit nasa Sariaya ang dalawa at kung sino ang mga suspek na posible umanong nasa loob din ng sasakyan nang barilin ang mga biktima dahil narekober sa loob ang tatlong basyo ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
Maayos din ang pagkakahinto ng sasakyan sa shoulder ng highway, indikasyon na nakatigil na ang mga ito nang isagawa ang krimen.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Sariaya Police sa insidente. (NILOU DEL CARMEN)
