ARESTADO ang dalawang lalaki na hinihinalang responsable sa pagpatay sa dating tabloid editor sa loob mismo ng pag-aari nitong salon sa Quezon City noong August 17, 2021.
Nasukol ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga suspek na sina Nilo Payag Anub at Richard Go Alaba, kapwa taga-Brgy. Commonwealth, QC.
Ang mga ito umano ang sumalisi sa Gott Beauty Salon and Spa na matatagpuan sa No. 192 Kaingin Road, Barangay Apolonio Samson bandang 3:35 ng hapon noong Agosto 17 at binaril ng apat na beses ang journalist na si Gwenn Salamida na agad namatay habang sugatan ang kinakasama niyang si Oliver Perona na tinamaan ng dalawang bala sa katawan.
Si Salamida ay nagsisilbing advertising manager ng SAKSI Ngayon bago ito napaslang.
Sa ulat ng La Loma Police Station (PS-1) ng QCPD, pasado 7:00 ng gabi noong Biyernes (Setyembre 3) nang madakip ang mga suspek sa Sto. Niño St., Brgy. Commonwealth.
Ayon kay PLt. Col. Tyrone DG Valenzona ng PS-1, matapos ang pamamaslang kay Salamida ay nirebyu nila ang mga CCTV footage malapit sa pinangyarihan ng krimen.
Lumalabas na nakita nila sa CCTV ang pagsundo ng Toyota Corolla na may plakang TSG 684 sa isang suspek sa harap ng Floor Center Muñoz Branch.
Nakunan muli sa CCTV ng Bakeshop sa Don Fabian St., Brgy. Commonwealth ang pagdaan ng nabanggit na sasakyan.
Dahil dito, agad nagsagawa ng operasyon ang kapulisan hanggang mamataan nila ang sasakyan na bumabaybay sa Sto. Niño St., Brgy. Commonwealth at doon na nila ito hinarang.
Nasamsam sa mga suspek ang isang caliber .38, isang granada, dalawang piraso ng bala ng M203 at ang sasakyan.
Palaisipan naman sa mga mamamahayag kung bakit nitong Miyerkoles lamang lumabas ang police report hinggil sa pagkakadakip sa mga suspek gayung noong isang linggo pa umano ito nangyari. (TJ DELOS REYES)
211 