2 TRAFFIC ENFORCER PATAY SA SINITANG TANDEM SA RIZAL

patay

RIZAL – Target ngayon ng mga awtoridad ang ‘riding in tandem’ na bumaril at nakapatay sa dalawang traffic enforcer at ikinasugat ng isa pa makaraang ratratin ang mga biktima nang sitahin dahil sa paglabag sa batas trapiko sa bayan ng Cardona, sa lalawigang ito.

Kinilala ni P/Capt. Reynaldo Año, hepe ng Cardona PNP, ang dalawang napatay na sina Gil Tancingco at Marcial Julian, habang sugatan naman si Kevin Jerome Cruz, pawang nakatalaga sa Municipal Task Force ng Cardona.

Agad tumakas ang mga suspek sakay ng getaway motorcycle dala ang ginamit na baril sa krimen.

Ayon sa opisyal, dakong alas-4:15 ng madaling araw  noong Hulyo 14 nang mangyari ang pamamaril ng mga suspek sa mga biktima sa National Road kanto ng San Pedro St., Brgy. Real sa nabanggit na bayan.

Nabatid sa ulat, naka-duty ang mga biktima nang dumating ang dalawang suspek na sakay ng itim na Honda click motorcycle na walang plaka na kaya sinita ang mga ito.

Subalit tumakas ang mga suspek na nagresulta sa ilang minutong habulan bago napahinto ng mga biktima.

Ngunit bumaba umano ang backrider at bumunot ng baril saka niratrat ng putok ang tatlong traffic enforcer na ikinamatay ng dalawa sa mga ito.

Hawak na ng mga awtoridad ang mga kuha ng CCTV camera para sa mabilis na pag-aresto sa mga suspek.

Ayon kay Año, ang simpleng traffic violation ay nauwi sa madugong pamamaril. (ENOCK ECHAGUE)

152

Related posts

Leave a Comment