20 SMUGGLED CARS ISUSUBASTA NA RIN

Ni JOEL O. AMONGO

SA hangaring makalikom ng hindi bababa sa P100 milyong karagdagang pondong pampuno sa kakulangan sa pananalapi ng pamahalaan, napagpasyahan ng pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) na gawing pera ang 20 iba pang smuggled vehicles na nasabat ng kawanihan nitong mga nakalipas na panahon.

Ayon kay Customs Deputy Commissioner Edward Dy Buco, target nilang isubasta ang mga nasabing sasakyan ngayong taon. Katunayan pa aniya, pinamamadali na rin sa Manila International Container Port (MICP) ang pagtata-yang gagamiting basehan ng presyong ilalapag sa Public Auction.

Ayon pa kay Buco, karamihan sa mga isusubastang sasakyan ang bago (brand new) nang lumapag sa bansa.

Pagtitiyak ng opisyal, iba­baba ng kawanihan nang husto ang presyo para maging pera agad para sa gobyerno.

Nito lamang nakalipas na buwan, umabot sa P20.8 milyon ang nalikom ng ahensya makaraang isubasta ang dalawang mamahaling sports cars – isang 2006 model Lamborghini VIN na naisalya sa halagang P10.4 milyon at isang 2008 model Ferrari Scuderia 430 na naibenta naman sa halagang P10.5 milyon.

Buwan ng Abril naman nang makapagsampa ang ahensya ng P6.3 milyon sa public auction ng Mercedes-Benz G500 sport utility vehicle (SUV) sa halagang P4.8 mil­yon, isang 2001 Mercedes-Benz SLK55 sa halagang P775,000 at 2001 Mercedes-Benz SLK350 sa presyong P730,000.

Pinili ng pamahalaang huwag nang durugin ang mga nasabat ng sasakyan bunsod ng kakapusan sa pondo bunsod ng pagbagsak ng ekonomiya dahil sa pan­demya.
Paglilinaw naman ng noo’y Finance Sec. Carlos Domin­guez, winasak ng gob­yerno ang mga smuggled  luxury cars noong mga nakalipas na taon bilang babala at pahiwatig na seryoso ang administrasyong Duterte na wakasan ang smuggling sa bansa.

Gayunpaman, sinabi ng Kalihim na posibleng mauwi pa rin sa pagkawasak ang mga naturang luxury cars na isinusubasta ng BOC kung sadyang hindi magawang ibenta ng pamahalaan ang mga nasabing sasakyan.

Pinag-aaralan din ani Buco ng kanilang kagawaran ang pagsasagawa ng online bidding sa isasagawang public auction katuwang ang Bureau of Treasury at Land Bank of the Philippines.

168

Related posts

Leave a Comment