ISANG porsiyento lamang ng kabuuang P1 trilyong budget para sa imprastraktura sa susunod na taon ang mapupunta sa Health Sector.
Ito ang naging puna ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa budget prioritization na anya’y bulag sa kakulangan sa health facility sa gitna ng COVID-19 pandemic.
“This is pandemic denialism,” saad ni Recto.
“Parang after World War II, giba ang Maynila, pero ni isang kusing wala kang ilalaang pera para sa reconstruction,” dagdag pa ng senador.
Iginiit ng senador na dapat mabago ang Build-Build-Build blueprint upang maisama ang mga kailangan sa paglaban sa pandemya.
“If we are willing to spend P1 trillion on BBB, why not also have a BBB for our local hospitals? There is nothing in the budget to increase bed capacity at the local level – district, provincial or regional hospitals,” diin ni Recto.
Sa National Expenditure Program para sa 2021, P1.039 trilyon ang laan para sa infrastructure program kasama na ang P87 billion na standby “unprogrammed appropriations.”
Bahagi nito o P15.6 billion na katumbas ng 1.5 percent ang laan sa health facilties.
“The pandemic is a CT-scan which gave us an image on how bad the internal structure of our public health system is,” paalala pa nito. (DANG SAMSON-GARCIA)
