KUKUWESTIYUNIN ng Teachers Dignity Coalition (TDC) sa harap ng Korte Suprema ang konstitusyonalidad ng General Appropriations Act (GAA) na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para sa 2025 badyet na P6.326 trilyon.
Ito ang inihayag ni Benjo Basas, National Chairperson ng TDC, sa panayam ng grupo ng mga mamamahayag na kabilang sa PaMaMariSan-Rizal Press Corps sa lingguhang Kapihan sa Metro East media forum sa Pasig City.
Ayon kay Basas, partikular na ihaharap nila sa Kataas-taasang Hukuman ang badyet na nakalaan para sa edukasyon kung saan inilakip umano ng Palasyo sa P1.05 trilyon ang mga eskuwelahan para sa Philippine Military Academy (PMA), Philippine National Police Academy (PNPA) at Local Government Academy.
Nais din umano hilingin ng grupo sa Korte Suprema na linawin nito ang kahulugan ng terminong “basic education” kung saan ayon sa TDC, hindi umano dapat kalakip ang mga nabanggit na paaralan dahil nasa ilalim ito ng ibang ahensya at hindi sa DepEd.
“Kung aalisin natin ang inilaang badyet sa mga nabanggit na paaralan para sa mga pulis at sundalo, lumalabas na mas malaki ang badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na labag sa ating konstitusyon,” ang pahayag ni Basas.
“Nakasaad kasi sa ating saligang batas na ang sektor ng edukasyon ang dapat na may pinakamalaking badyet taon-taon kapag National Expenditures Program (NEP) ng GAA ang pinag-uusapan,” giit pa niya.
Matatandaan na ipinagtanggol ng Malacañang kung bakit inilakip nito sa badyet para sa edukasyon ang mga paaralan na nasa ilalim ng Department of National Defense (DND) at Department of the Interior and Local Government (DILG).
“The language of the Constitution is not that specific in mentioning education. If before, the treatment was that the budget of education was only that which was allocated to DepEd—that was the wisdom at that time,” ang pahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin na dating Chief Justice.
“But [since] then, so many things have happened that the education responsibility has been shifted to other government agencies,” dagdag pa ni Bersamin.
Inilakip din sa badyet ng sektor ng edukasyon ay ang Philippine Public Safety College (PPSC) sa ilalim ng DILG; National Defense College of the Philippines (NDCP) sa ilalim ng DND; Philippine Science High School (PSHS), at Science Education Institute (SEI) na nasa ilalim naman ng Department of Science and Technology (DOST).
Naniniwala si Basas na kakatigan sila ng Korte Suprema batay sa nilikha nitong jurisprudence kung saan pinaghiwalay nito ang konstitusyonal at di-konstitusyunal na mga probisyon ng kontrobersyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF). (NEP CASTILLO)
12