INANUNSYO ng Malakanyang ang suspensyon ng trabaho sa tanggapan ng gobyerno at sa lahat ng antas ng klase sa mga lungsod ng Maynila at Pasay sa Enero 13, 2025, araw ng Lunes para sa National Rally for Peace ng Iglesia Ni Cristo (INC).
Nakasaad sa Memorandum Circular No.76, nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, na ang suspensyon ay dahil sa malaking bilang ng mga magpapartisipa at dadalo sa ”National Rally for Peace” at pahintulutan na maisagawa ang organisadong event.
“The suspension of classes is for both private and public schools,” Office of the Executive Secretary (OES).
“Those agencies whose functions involve the delivery of basic and health services, preparedness/response to disasters and calamities, and/or the performance of other vital services shall continue their operations and render the necessary services,” ang mababasa sa MC No. 76.
“suspension of work in private companies and offices is left to the discretion of their respective heads,” dagdag nito.
Nauna rito, inanunsyo naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagsasara ng mga lansangan na malapit sa Quirino Grandstand dahil sa nasabing event.
Matatandaang, Disyembre ng nakaraang taon nang ianunsyo ng INC na magkakaroon sila ng rally kung saan ipahahayag nila ang kanilang suporta sa posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr laban sa impeachment moves.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na hindi niya sinusuportahan ang anumang impeachment plan laban kay Vice President Sara Duterte.
Si VP Sara ay kasalukuyang nahaharap ngayon sa tatlong impeachment complaints.
Tanggap naman ni VP Sara ang paghahain ng impeachment complaints laban sa kanya.
Aniya, hindi naman lingid sa kanyang kaalaman ang palaging sinasabi ng kanyang kritiko na magsasampa ang mga ito ng reklamo laban sa kanya simula pa noong 2023. (CHRISTIAN DALE)
39