TINATAYANG aabot hanggang 20,000 trabaho ang maipagkakaloob para sa mamamayang Bulakenyo sa itatayong Racal Industrial City sa bayan ng San Rafael sa lalawigan ng Bulacan.
Ito ang inanunsiyo ni Jad Racal, may-ari ng Racal Industrial City, sa kanyang mensahe sa ginanap na groundbreaking ceremony ng Philippine High Speed New Materials Company Inc., isa sa 800 international at local investors na itatayo sa naturang industrial city, noong Biyernes, Disyembre 27.
Ito ay matatagpuan sa 130 ektaryang property sa Viola Highway, Barangay Maronquillo, San Rafael.
Ayon kay Racal, aabot ng P2.5-billion ang investment dito ng Philippine High Speed New Materials Company Inc. kung saan dito ima-manufacture ang Autoclave Aerated Concrete Block o isang uri ng bricks, na siyang modernong ginagamit ngayon sa pagpapatayo ng mga establisyemento tulad ng malls, hotels at maging sa housing projects.
Aniya, ang AAC Block factory ay kauna-unahan sa Luzon at partnership ng Racal Group of Companies at Chinese investors, kung saan target itong maging operational bago matapos ang first quarter ng taong 2025.
Bukod sa AAC Block factory ay mayroon na ring Well Spring Water Services sa nasabing industrial warehouse at kasunod nito ay apat pang international investors ang magtatayo ng kanilang negosyo sa unang buwan ng 2025.
Ayon kay Racal, congressional candidate ng 6th District ng Bulacan, plano nilang itayo ang Racal Industrial City, hindi lamang bilang negosyo kundi para matulungan ang mga kababayan niya sa ika-6 na Distrito na mabigyan ng trabaho bilang tulong at bahagi ng kanilang adbokasiya na i-share o ibalik ang mga biyaya sa ibang tao.
“The job will create here, the business that will thrive alongside, the opportunities that will unfold will create ripples of positive change that will extend far beyond this project,” ayon kay Racal.
Dumalo sa nasabing groundbreaking ceremony sina San Rafael Mayor Cholo Violago, Jonito Racal, chairman ng Racal Group of Companies; Kevin Lee, Jon Wang at David Wang, pawang mga General Manager mula sa Chinese investors. (ELOISA SILVERIO)
39