20M JOBLESS SA PINAS

DUDA ang isang mambabatas sa Kamara na tatalakayin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes ang kalagayan ng milyon-milyong manggagawa na nawalan ngayon ng trabaho.

Para kay Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite, kung mayroon mang isang isyu na iiwasan umanong ipagmalaki ni Duterte, ito ay ang sektor ng paggawa lalo na’t base sa pagtataya ng IBON Foundation, umaabot sa 20.4 milyon ang walang trabaho at underemployed sa kasalukuyan.

“IBON Foundation’s figures are even more damning, as they peg the number of unemployed and underemployed at 20.4 million. Looking at this data, we could say that we are in the worst crisis of mass unemployment in the country’s history,” ani Gaite.

Malayo ito sa 13.7 million na ini-report ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Abril 2020, na kinabibilangan ng 7.3 million unemployed at 6.4 million underemployed.

Base sa PSA report, umaabot sa 5 million ang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic kaya lumobo sa 7.3 million ang unemployed sa bansa at nadagdagan din ng underemployed ngayong may pandemya dahil maraming obrero ang nabawasan ang oras ng trabaho at kita.

“Walang maipagmamalaki si Duterte kundi ang malaking bilang ng manggagawang pininsala ng kanyang kapalpakan,” ayon kay Gaite.

Nagpabaya umano ang gobyerno sa unang apat na taon nito kaya hindi nadagdagan ang mga trabaho sa bansa at pinalalaki pa ito ng pandemya sa COVID-19 na nagsimulang manalasa sa bansa noong Enero dahil hindi nila agad inagapan.

“Pero ano ang inatupag ng Pangulo? Pag-atake sa mga manggagawa, pag-atake sa kanyang mga kritiko, jeepney phaseout, pagsasabatas ng Terror Law, at ngayon pagpapalawig ng kanilang termino at pagbebenta ng bansa sa dayuhan sa pamamagitan ng Charter Change,” ayon pa sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

169

Related posts

Leave a Comment