22 ‘MANGHUHULBOT’ NALAMBAT SA DAGAT

ARESTADO ang 22 mangingisda matapos mabulaga ng mga awtoridad habang gumagamit ng ilegal na pamamaraang kilala bilang “hulbot-hulbot” sa panghuhuli ng isda sa karagatang sakop ng Navotas City, nitong Linggo ng umaga.

Alas-7:50 nang maispatan ng mga pulis at Bantay Dagat ang mga mangingisda habang sakay ng Princess Gel Fishing Boat sa dagat, 11.5 kilometro ang layo sa baybayin ng Brgy. Tangos South, ng lungsod.

Ayon sa pulisya, nagpapatrolya ang mga pulis at Bantay Dagat nang mamataan ang bangkang pangisda na ilegal na nangingisda gamit ang “hulbot-hulbot” na ipinagbabawal sa ilalim ng Fisheries Administrative Order 246-1 series of 2018, dahil sa nakasisira ito sa marine habitats o pinagpupugaran ng mga isda at iba pang nabubuhay sa dagat.

Ang kapitan ng bangkang pangisda na si Antonio Ganuhay, 50; ang alalay nitong si Ronaldo Apostol, 52, at machine operator na si Rex Perez, 19, gayundin ang mga tripulante, ay nahaharap sa kasong paglabag sa Philippine Fisheries Code sa Navotas City Prosecutor’s Office.

Ang lokal na pamahalaan ng Navotas ay kakatawanin ni City Agriculture Office head Yzabela Bernandina Aranas-Nazel na magsisilbi bilang complainant kontra sa arestadong mga  mangingisda. (ALAIN AJERO)

 

247

Related posts

Leave a Comment