INIIMBESTIGAHAN ng Tagaytay Component City Police kung nagpakamatay ang isang 23-anyos na babae matapos mahulog mula sa mataas na bahagi ng isang residential condominium building sa Tagaytay City, Linggo ng hapon.
Kinilala ang biktima sa alyas na Anne, na nanunuluyan sa Room 2360 ng Cityland Tagaytay Prime Residences sa Barangay San Jose.
Ayon sa isang saksi na may-ari ng tindahan sa labas ng condominium, namataan niya ang biktima sa balkonahe ng ika-23 palapag dakong alas-4:43 ng hapon.
Gumapang umano ang babae sa grills patungo sa ika-22 palapag at nanatiling nakabitin nang ilang minuto bago tuluyang nahulog at bumagsak sa ibaba. Agad itong nasawi.
Sa paunang imbestigasyon, napag-alamang nagkalat sa sahig ng kuwarto ang mga bote ng inumin at iba pang personal na gamit ng biktima. Nakita rin sa ibabaw ng higaan ang isang razor blade na ginagamit sa pang-ahit.
May nakita ring dugo sa sahig at dingding ng kuwarto, na pinaniniwalaang maaaring may kaugnayan sa umano’y paglaslas ng pulso ng biktima. Narekober din ang mga inuming nakalalasing sa isang lalagyan sa tabi ng kanyang higaan.
Patuloy pang inaalam ng pulisya kung residente ng condominium ang biktima o pansamantalang nanunuluyan lamang doon sa pamamagitan ng short-term rental o staycation.
(SIGFRED ADSUARA)
22 