MAG-AMA NATAGPUANG PATAY AT DUGUAN SA LOOB NG BAHAY SA CAVITE

PATULOY na iniimbestigahan ng Cavite police ang pagkamatay ng mag-amang natagpuang duguan at wala nang buhay sa kanilang bahay sa General Mariano Alvarez (GMA), Cavite, Linggo ng hapon.

Kinilala ang mga biktima sa alyas na Carl, 48, at anak nitong si Angel, 22. Natagpuan ang kanilang mga bangkay sa bahay sa Pasong Saging A, Barangay Delas Alas, GMA, dakong alas-3:30 ng hapon.

Bago nadiskubre ang insidente, tinawagan ng misis ni Carl, na nagtatrabaho sa Maynila, ang kapatid nitong si alyas Rosalinda upang alamin ang kalagayan ng mag-ama matapos hindi sumagot ang mga ito sa kanyang mga tawag.

Agad na nagtungo si Rosalinda sa bahay ng kapatid. Ilang ulit umano siyang tumawag sa mag-ama habang papalapit sa bahay, ngunit walang sumasagot.

Dahil dito, ginamit niya ang kanyang cellphone upang kunan ng video ang loob ng bahay sa pamamagitan ng siwang ng bintana. Nang panoorin ang kuha, nakita niya ang paa ng isa sa mga biktima na tila nakahandusay.

Humingi siya ng tulong at sinira ang jalousie malapit sa pintuan upang makapasok sa bahay. Doon niya natagpuan ang mga bangkay ng mag-ama—ang isa sa kusina at ang isa naman malapit sa comfort room.

Kapwa duguan ang mga biktima at hinihinalang ilang oras nang patay nang madiskubre.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang sanhi at mga pangyayari sa likod ng kanilang pagkamatay.

(SIGFRED ADSUARA)

23

Related posts

Leave a Comment