HINILING ni dating konsehal at proklamadong nanalo sa pagka-kongresista sa ika-6 na Distrito ng Maynila na si Luis “Joey” Chua Uy sa Korte Suprema na agarang aksyunan ang kanyang nakabinbing petisyon na kumukuwestiyon sa desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na ipawalang-bisa ang kanyang pagkapanalo dahil sa mga usapin sa kanyang pagkamamamayang Filipino.
Sa panayam sa programang “On Point” ni Pinky Webb sa Bilyonaryo News Channel, nagpahayag si Uy ng pag-asang agad nang maglabas ng desisyon ang pinakamataas na hukuman dahil pinagkakaitan umano ng kinatawan sa Kongreso ang mga botanteng pumili sa kanya.
“Hopefully, sana madesisyunan kaagad ng Supreme Court. Kasi, actually, na-deprive yung mga constituents ko… talagang masama yung loob nila. Nagagalit sila ba’t ganoon ang nangyari… Sabi ko, mayroon naman tayong appeal sa Supreme Court. May awa ang Diyos. Siyempre, mananaig pa rin yung tama,” ani Uy.
Nanguna si Uy sa halalan noong Mayo 2025 matapos makakuha ng 64,746 boto, lamang ng 1,388 kay Bienvenido “Benny” Abante Jr., na nakakuha naman ng 63,358 boto.
Ipinroklama si Uy bilang nanalong kinatawan ng ika-6 na Distrito ng Maynila noong Mayo 13, 2025. Nanumpa siya bilang miyembro ng House of Representatives sa harap ni Manila Trial Court Executive Judge Carolina Icasiano-Sison noong Mayo 26, 2025.
Gayunman, naghain si Abante ng reklamo noong Mayo 22, 2025 upang kanselahin ang Certificate of Candidacy (COC) ni Uy.
Ayon sa abogado ni Uy na si Jordan Pizarras, nagkamali ang Comelec at nagkaroon ito ng grave abuse of authority and discretion o malubhang pag-abuso sa kapangyarihan at pagpapasya nang dinggin ang reklamo laban sa kanyang kliyente.
Iginiit ni Pizarras na wala nang hurisdiksyon ang Comelec upang dinggin ang petisyon na nagpapakansela sa COC ni Uy dahil lumampas na ito sa 25-araw na palugit sa ilalim ng Section 78 ng Omnibus Election Code. Aniya, dapat ay Oktubre 26, 2024 pa lamang ang huling araw ng paghahain ng naturang reklamo.
Bilang batayan, binanggit ni Pizarras ang naunang desisyon ng Korte Suprema sa kaso ni Jose Ong Jr., na tumakbo bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Northern Samar noong Mayo 1987.
Matapos manalo at maiproklama, kinuwestiyon ng mga natalong kandidato ang pagkamamamayan ni Ong at iginiit na hindi siya natural-born Filipino.
Ang ina ni Ong ay natural-born Filipina, samantalang ang kanyang ama ay ipinanganak sa China noong 1905 at naging naturalized Filipino citizen noong 1957, nang siyam na taong gulang pa lamang si Ong.
Sa desisyon noong 1991, ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon laban kay Ong at kinilala siyang natural-born Filipino sa ilalim ng prinsipyo ng “derivative citizenship,” kung saan awtomatikong nakukuha ng menor de edad na anak ang pagkamamamayang Filipino ng kanyang ama.
Ayon sa Korte Suprema, walang duda na natural-born Filipina ang ina ni Ong nang pakasalan nito ang kanyang ama. Dahil dito, legal na nakuha ni Ong ang pagkamamamayang Filipino ng kanyang ama habang siya ay menor de edad pa.
Sinabi rin ng hukuman na hindi na kinakailangang magsumite pa si Ong ng pormal na deklarasyon o sinumpaang salaysay upang piliin ang pagkamamamayang Filipino sa pagtuntong niya sa wastong edad dahil kinilala na siyang mamamayan ng Pilipinas noong siyam na taong gulang pa lamang siya.
Iginiit ni Pizarras na katulad ng kaso ni Ong ang sitwasyon ni Uy dahil malinaw umanong ipinakita ng kanyang kliyente ang pagpili sa pagiging Filipino sa pamamagitan ng kanyang mga kilos, desisyon at paraan ng pamumuhay.
Sa ilalim ng Doctrine of Implied Election, maaaring kilalanin ang pagkamamamayang Filipino batay sa mga kilos, asal at iba pang hayagang gawain ng isang tao bilang mamamayan. Dahil dito, hindi na umano kailangan ang pormal na panunumpa o sinumpaang deklarasyon.
“Nagpasya na ang Korte Suprema, at kung ipinahiwatig na ang pagpili base sa mga naging gawain, hindi na kailangang manumpa,” dagdag ni Pizarras.
Ipinanganak si Uy sa Lourdes Hospital sa Santa Mesa noong 1962 at lumaki sa San Miguel, Maynila, kung saan siya nag-aral, nag-asawa at nagtrabaho.
Ayon kay Uy, hanggang ngayon ay naninirahan pa rin siya sa San Miguel at marami ang nakakakilala sa kanya. Naging kasapi rin siya ng Rotary at nagsilbing youth director nito sa loob ng limang magkakasunod na taon noong kanyang kabataan.
Bago tumakbo sa Kongreso noong Mayo 2025, nagsilbi si Uy bilang konsehal ng Maynila sa loob ng apat na termino.
Noong Hunyo 30, naghain si Uy ng Ad Cautelam Petition for Certiorari and Prohibition sa Korte Suprema, na nananatiling nakabinbin hanggang ngayon.
Umaasa at nananalangin sina Uy at Pizarras na agarang aksyunan ng Korte Suprema ang petisyon at magbigay ng katarungan hindi lamang sa dating konsehal kundi pati sa mga nasasakupan ng ika-6 na Distrito ng Maynila.
Ayon kay Pizarras, bahagi ng demokrasya ang karapatan ng mga botante na pumili at magpadala ng kanilang kinatawan sa Kongreso. Aniya, kung hindi makauupo ang kandidatong kanilang ibinoto, kinukuwestiyon nito ang saysay ng kanilang pagboto sa halalan.
57 