PUNA ni JOEL O. AMONGO
NAIS ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na magkaroon ng 24/7 health clinic sa bawat barangay para makatulong at hindi na dumagsa ang mga pasyente sa mga pampublikong pagamutan, dahil agad na malalapatan ng lunas ang mga karamdaman sa mismong komunidad.
Ayon sa Senador, napapanahon nang bigyang-pansin ng Kongreso ang kanyang inihain na Senate Bill No. 421 o ang Health Centers in All Barangays Act, na naglalayong magpatayo ng kumpleto at maayos na primary health care centers sa lahat ng mga barangay sa bansa na magbibigay ng 24/7 na serbisyo.
Sa ilalim ng panukala, ang bawat barangay health center ay magbibigay ng konsultasyon, basic treatment, preventive care, at health monitoring, na susuportahan ng sapat na health personnel, pondo mula sa lokal na pamahalaan, at teknikal na gabay ng Department of Health (DOH).
Iginiit niya na mahalagang mailapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad, lalo na’t dumarami na rin ang panawagan online para sa pagkakaroon ng 24/7 health clinics sa bawat barangay.
Usap-usapan ngayon sa social media ang kahalagahan ng naturang pasilidad, partikular sa mga biglaang karamdaman na nauuwi sa emergency dahil sa kawalan ng agarang mapuntahang health facility.
Nais din niya na palakasin ang papel ng barangay health workers, kabilang ang pagpapahintulot ng home visits para sa mga pasyenteng hirap bumiyahe ngunit nangangailangan ng regular na pagbabantay sa kanilang kalagayan.
Inihain ng Senador ang Senate Bill No. 420 o ang Super Health Centers in All Cities and Municipalities Act, na nag-aatas sa bawat lungsod at munisipalidad na magtayo ng kahit isang Super Health Center para sa mga pasyenteng nangangailangan ng outpatient care at may hindi komplikadong kondisyon.
Malaking tulong ang mga Super Health Center sa pag-decongest ng malalaking ospital, sa pamamagitan ng pagbibigay ng primary at preventive care sa lokal na antas, kabilang ang serbisyong bukas araw at gabi.
May mga netizen ding nagpunto na mahalaga ang koordinasyon ng iba’t ibang sektor upang maging epektibo ang mga panukalang ito.
Ayon sa kanya, ito mismo ang layunin ng kanyang mga panukala—ang pagkakaroon ng malinaw na polisiya at pagtutulungan ng komunidad, lokal na pamahalaan, at pambansang gobyerno.
Tinukoy rin ng senador ang Lungsod ng Taguig bilang modelo ng kanyang panukala, kung saan matagumpay na naipatutupad ang city-led health facilities na nagbibigay ng serbisyong lampas sa regular clinic hours at nakatutulong sa operasyon ng mga ospital.
Sana nga mapaganda ang health centers dahil ito lang ang inaasahan ng mga tao na maaari nilang takbuhan partikular sa mga liblib na lugar sa bansa sa panahon ng emergency dahil malalayo ang mga ospital.
Kung dito sana nagamit ang nawaldas na trilyong piso na nagsimula nung 2023, 2024 hanggang 2025, na ilang mga mambabatas, at government officials lang nakinabang, marami sanang Pilipino ang natulungan nito.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com
5
