UMAPELA si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa publiko na manatiling mahinahon sa harap ng nananatili pa ring banta ng COVID-19.
Sa taped video message na inilabas ng Radio Television Malacañang, hinimok ng Punong Ehekutibo ang publiko na maging mapagmatyag at makipagtulungan sa pamahalaan.
Ayon sa Pangulo, patuloy ang ginagawang pagtutulungan ng gobyerno, World Health Organization gayundin ng mga nasa pribadong sektor na sama-samang naghahanda sa anomang maaaring mangyari.
Tiniyak din ng Chief Executive na hindi magpapabaya ang pamahalaan at nakahanda nitong iuwi ang mga Filipino na nananatili sa ilang lugar sa China na kasalukuyan pa ring naka-lockdown.
Pinayuhan din ni Pangulong Duterte ang publiko na huwag patulan ang mga haka-haka na ang layunin ay maghasik lamang ng takot at sa halip, makinig lamang sa mga impormasyong inilalabas ng gobyerno at WHO.
Ayon sa huling ulat kahapon, nakapagtala ng 242 panibagong bilang ng nasawi sa Hubei Province habang sampu naman ang nasawi sa iba pang bahagi ng China na apektado ng COVID-2019.
Dahil sa malaking bilang ng naitalang nasawi sa Hubei ay umabot na sa 1,367 ang global death toll ng nasabing virus, 1,365 dito ay sa China.
Umakyat na sa 60,287 ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 kasunod ng naitalang 14,480 panibagong kaso ng sakit sa Hubei Province sa loob lamang ng magdamag. CHRISTIAN DALE, DAHLIA S. ANIN
215