UMAABOT sa 246 kwalipikadong Valenzuelano ang nakatanggap ng livelihood assistance sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program (SLP) mula sa Department of Social Welfare and Development Office (DSWD).
Ang Livelihood Assistance Grant (LAG) ay isa sa mga pagsisikap sa rehabilitasyon at tulong ng pambansang pamahalaan sa mga karapat-dapat na mga indibidwal na ang kabuhayan ay naapektuhan ng pandemyang COVID-19.
Ito ang mga gustong magtayo ng proyektong pangkabuhayan o mayroon nang microenterprises at maliliit na negosyo ngunit kapos sa puhunan o naubos ang kanilang kapital habang nilalabanan ang pandemya.
Ang LAG ay isang pinansyal na suporta na may maximum na P15,000 na magsisilbing seed capital.
Ang mga benepisyaryo ng Valenzuelano mula sa District 1 at 2 ay napili at sumailalim assessments at validations ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
“Isa lang po ang pakiusap ko sa inyo, gamitin nang maayos. Huwag nating sayangin. Gamitin ninyo para sa inyong kabuhayan, pang araw-araw. Limitado lang ang ating pondo kaya sana magamit nang maayos,” pahayag ni CSWDO Head Ms. Dorothy Go Evangelista. (FRANCIS SORIANO)
