TATLO ang sugatan, kabilang ang isang pasaherong matandang babae, makaraang magbanggaan ang PNR train, at ang isang crawler crane sa northbound lane ng Antipolo railroad track malapit sa G. Tuazon Street, Sampaloc, Manila nitong Lunes ng umaga.
Isinugod sa Chinese General Hospital ang mga biktimang sina Esperanza B. Mozo, 68, biyuda, pasahero; Ronnel Jay Bajaro, konduktor ng tren, at Melfarzar Delos Santos y Sisno, operator ng tren.
Base sa imbestigasyon ni P/Cpl. Eric Jay Despabiladero ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), nangyari ang insidente bandang alas-8:35 umaga sa nabanggit na lugar.
Nasa northbound lane ang locomotive train ngunit pagsapit sa lugar ay nasagi ang crawler crane na nagtatrabaho sa lugar.
Bunsod nito, nasugatan ang tatlong biktima na mabilis na isinugod sa pagamutan. (RENE CRISOSTOMO)
