ISINASAILALIM na sa masusing imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 250 pang kaso ng “extra-judicial killings”.
“Prior to our assumption to office there are 250 other cases referred to the NBI by Secretary [Menardo] Guevarra and the NBI is working on them,” pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Nilinaw pa nito na ang 250 kaso ay iba sa 52 kaso na unang isinumite ng Philippine National Police (PNP) sa Department of Justice.
Sa naunang 52 kaso, sinabi ni Undersecretary Jesse Hermogenes Andres na anim na ang nabasura dahil sa paghahayag ng pamilya ng mga nasawi na hindi na sila interesado sa imbestigasyon.
Pero may pitong isinasailalim sa case build-up at naisampa na sa korte. May mga matitibay na ebidensya na rin silang inihain na titindig umano sa korte.
Ito ay bilang patunay umano na gumagana nang maayos ang justice system ng bansa at hindi na kailangang manghimasok ng International Criminal Court (ICC) sa pag-iimbestiga sa mga kaso sa war on drugs ng administrasyong Duterte. (RENE CRISOSTOMO)
347