KASABAY ng pag-endorso sa article of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, pinangalanan na ng Kamara ang labing isang congressmen na tatayong prosecutors sa impeachment trial.
Kabilang sa mga ito sina Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” R. Luistro. Antipolo City Rep. Romeo Acop, 1Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez, Manila Rep. Joel Chua, Ako Bicol party-list Rep. Jil Bongalon, General Santos City Rep. Loreto Acharon, House minority leader Marcelino Libanan, Oriental Mindoro Rep. Arnan C. Panaligan, San Juan City Rep. Ysabel Maria J. Zamora, Iloilo Rep. Lorenz R. Defensor at Bukidnon Rep. Jonathan Keith T. Flores.
Ang mga nabanggit na mambabatas na pawang abogado ang magpiprisinta ng mga ebidensya sa mga kasong isinampa ng 125 congressmen laban sa Pangalawang Pangulo kapag nilitis na ito sa Impeachment court.
Si Duterte ang ikatlong impeachable official at unang Pangalawang Pangulo na pina-impeach ng Mababang Kapulungan mula noong 2000.
Unang na-impeach si dating pangulong Joseph “Erap” Estrada noong 2000 kung saan nilitis ito sa Senado subalit hindi natapos dahil nag-resign ito sa puwesto bago pa man magbaba ng desisyon ang Senator-Judges.
Noong 2012, inimpeach din ng Kamara si dating Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona kung saan nasentensyahang itong guilty na naging dahilan para patalsikin ito sa kanyang puwesto.
Sa ilalim ng impeachment process, kailangan ang 2/3 votes sa Senado o 16 sa 24 Senador para maideklarang guilty ang nililitis na impeachable official sa mga kasong isinampa laban sa kanila.
Samantala, habang isinusulat ito ay nasa Senado na si House Secretary General Reginald Velasco para iendorso ang article of impeachment.
“This is about upholding the Constitution and ensuring that no public official, regardless of their position, is above the law,” ayon naman kay House Speaker Martin Romualdez matapos atasan si Velasco na iendorso sa Senado ang article of impeachment.
Kaugnay nito, pinangunahan ng anak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na si Ilocos Rep. Sandro Marcos ang 215 congressmen na naghain ng ika-apat na impeachment complaint laban kay Duterte na siyang inendorso sa Senado. (BERNARD TAGUINOD)
9