26 MADAYANG TIMBANGAN SA OLONGAPO KINUMPISKA

NASA 26 na digital weighing scale o timbangan ang kinumpiska ng mga tauhan ng Office of the Market Master katuwang ang ilang Barangay Police matapos madiskubreng dinadaya ng mismong stall owners sa Old public market sa Barangay West Bajac-Bajac, Olongapo City.

Pinangunahan ni Balawed Carlomagno, ang market master sa lugar ang operasyon at naaktuhan pang ginagamit ang madayang timbangan sa ilang mamimili.

Ayon kay Carlomagno, may kabuuang 26 na piraso ng timbangan ang kanilang nakumpiska mula sa mga tindahan ng nasabing palengke.

Nag-ugat ang operasyon ng mga awtoridad bunsod ng ilang ipinaparating na reklamo ng mismong mga mamimili sa Office of the Mayor na may mga nagtitinda sa palengke na dinadaya ang pagkilo sa kanilang timbangan.

Maaari rin umanong bawiin ng LGU ang permit ng tindahan na sangkot sa pandaraya.

Sa kasalukuyan ay pansamantalang ikinandado ang mga tindahan at binigyan ng LGU ng ilang araw para sagutin ang reklamo. (JG TUMBADO)

307

Related posts

Leave a Comment