28 kawani positibo sa COVID NAVOTAS CITY HALL, 3 PANG GUSALI ISINARA

NILAGDAAN ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang Executive Order No. TMT-196 Series of 2021 kaugnay sa pagpapatupad ng building lockdowns sa mga opisina ng pamahalaang lungsod kabilang ang city hall.

Ito ay matapos matanggap noong Agosto 26 ang mga resulta ng malawakang COVID-19 swab testing ng mga kawani mula Agosto 23-28 at nabatid na umabot sa 28 bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa pitong departamento, at posible pa umano itong madagdagan base sa dumarating na test results.

Bunsod nito, ikinandado mula Agosto 27 dakong alas-12:00 ng madaling araw hanggang sa Setyembre 5, dakong alas-5:00 ng umaga ang Navotas City Hall, Navotas City Library, Navotas City Hall Annex (NavoServe), at Bagumbayan Elementary School (DepEd Bldg. 1 & 2).

“Ibig sabihin po nito, bawal muna ang pagpunta sa nasabing mga gusali, at pansamantala ring ihihinto ang mga gawain at transaksyon ng mga opisinang matatagpuan dito.  Bukod tanging ang City Human Resources Development Office lang po ang pinapayagang magkaroon ng skeleton workforce sa loob ng city hall para makapag-ayos ng sweldo ng mga empleyado at makapagproseso ng mga kinakailangang kontribusyon at remittance,” ayon sa alkalde.

Samantala, magpapatuloy ang pamamahagi ng ECQ ayuda sa payout sites. Gayundin, mananatiling bukas at patuloy na magseserbisyo ang mga opisinang matatagpuan sa ibang gusali ng pamahalaang lungsod.

“Patuloy po ang ating paalala na mag-ingat, mag-ingat, mag-ingat. Magpabakuna habang may supply tayo at kahit bakunado na, sumunod pa rin sa safety and health protocols lalo na ang tamang pagsusuot ng face mask,” ani Tiangco. (ALAIN AJERO)

151

Related posts

Leave a Comment