BAHAGYANG humina na ang mga pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat at Tropical Depression Neneng, subalit posible pa ring makaranas ng mga pag-ulan sa Metro Manila at Luzon.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Storm Saudel sa Linggo o Lunes na maaaring muling magpalakas sa umiiral na Habagat at magdala ng mga pag-ulan.
Samantala, sa 11 a.m. update ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umakyat na sa 29 ang iniulat na nasawi at mahigit 6.5 milyon katao ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng mga bagyong Luis at Maymay at ng Habagat.
Batay sa datos ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Huwebes, Agosto 20, pinakamaraming nasawi sa Benguet na may 15, kabilang ang 10 sa Baguio City, dalawa sa La Trinidad at tatlo sa Atok.
Nakapagtala rin ng apat na nasawi sa Rizal at apat sa Batangas; dalawa sa Caloocan; at tig-isa sa La Union, Quezon, Oriental Mindoro at Negros Occidental.
Kabilang sa mga iniulat na sanhi ng pagkamatay ang landslide, rockslide, pagkatumba ng puno, pagkalunod, malakas na agos ng tubig, electrocution at vehicular accidents.
Bukod sa mga nasawi, 19 katao ang nasugatan habang tatlo ang nawawala.
Umabot naman sa 6,516,451 katao o 1,815,389 pamilya ang naapektuhan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, CALABARZON, Cordillera Administrative Region, Metro Manila at MIMAROPA.
Sa naturang bilang, 47,277 katao o 13,957 pamilya ang nananatili sa 628 evacuation centers.
Nasa 2,108 bahay din ang napinsala, kung saan 1,882 ang partially damaged at 226 ang totally damaged.
Samantala, umakyat na rin sa P4.665 bilyon ang pinsala sa imprastraktura, habang P1.424 bilyon naman ang pinsala sa sektor ng agrikultura.
Patuloy ang assessment at validation ng mga awtoridad sa mga casualty at pinsalang dulot ng magkakasunod na sama ng panahon habang binabantayan ang tatlo pang weather disturbance na nagbabantang pumasok sa Area of Responsibility (AOR) ng Pilipinas.
(JESSE RUIZ)
83 