ISINAILALIM ni Bulacan Governor Daniel R. Fernando sa state of calamity ang buong lalawigan ng Bulacan matapos ang magkakasunod na Bagyong Maymay at Luis na pinalakas pa ng Habagat o Southwest Monsoon na nagdulot ng malawakang pagbaha at pinsala.
Ang kapasyahan na batay sa rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management (PDRRM) Council, ay inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan na may Kapasyahan Blg. 708-T’2026 sa isang espesyal na sesyon na ginanap noong Agosto 17, 2026, sa ilalim ng pinagtibay na PDRRMC Resolution No. 11, Series of 2026.
Layunin ng deklarasyong ito na bigyang-daan ang agaran at epektibong mga hakbang sa pagtugon at pagbangon sa mga apektadong mamamayan at lokal na pamahalaan (LGU) mula sa mapaminsalang epekto ng kalamidad at maging pagkatapos nito.
Base sa situational report ng PDRRMC, ang mga Bagyong Maymay at Luis ay nagdulot ng malakas na pag-ulan sa maraming lugar sa lalawigan ng Bulacan at nakaranas ng pagbaha na umabot sa 1.35 metro o 4.43 talampakan na nakaapekto sa halos 278,000 pamilya o nasa 960,821 na indibidwal na naitala noong Agosto 14, 2026.
Sa panayam kay Fernando, sinabi nito na ang nasabing kalamidad ay nakapaminsala at nakaapekto sa agrikultura at pangisdaan sa lalawigan na may tinatayang 2,788 magsasaka at mangingisda, 895,86 ektaryang palayan na walang posibilidad na makabawi sa kanilang nasirang mga pananim.
Nabatid na nasa P96.276 milyon ang halaga mula sa 712 na bilang ng imprastraktura, makinarya at kagamitan, ang lubos na napinsala.
Umabot naman sa mahigit P3.2 milyon ang panimulang halaga ng mga naapektuhang livestock, habang P180 milyon ang halaga ng nasirang imprastraktura.
Ang kahinaang ito ay lumampas sa 15 porsyentong limitasyon ng populasyon na nasa panganib, na kinakailangan sa ilalim ng NDRRMC Memorandum Order No. 60, s. 2019, upang bigyang-katwiran ang deklarasyon ng state of calamity.
Binigyang-diin ni Vice Gov. Alexis Castro, Presiding Officer ng Sangguniang Panlalawigan ang pag-apura sa paggamit ng lahat ng kinakailangang mapagkukunan ng gobyerno upang maibalik ang normal na kalagayan, makapaghatid ng tulong, at masimulan ang mga pangmatagalang pagsisikap sa rehabilitasyon.
Samantala, patuloy na nananawagan si Fernando para sa kooperasyon, pagbabantay, at pagkakaisa ng publiko habang isinusulong ang mga pagsisikap sa pagtugon at pagbangon sa diwa ng bayanihan, na tinitiyak na walang Bulakenyo ang maiiwan.
Tuloy-tuloy rin ang pamamahagi ng food packs ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna nina Fernando at Castro kabilang dito ang pamamahagi ng ayuda mula sa nasyunal.
Nitong Huwebes, namahagi sina Fernando at Castro ng mga bigas sa bayan ng Paombong na bahagi ng Assistance to Indigent Individuals or Families-Food Assistance-Rice Distribution Project sa ilalim ng Local Government Support Fund-Financial Assistance to Local Government Units (LGSF-FALGU).
Ayon kay Castro, ang mga ipinamahagi ay hindi sa kanila nanggaling kundi sa Pamahalaang Nasyunal mula sa ibinabayad na mga buwis at sila lamang ang tagapaghatid.
(ELOISA SILVERIO)
86 