3 ARAW NA SPECIAL NON-WORKING DAY SA METRO MANILA, PAIIRALIN PARA SA ASEAN SUMMIT

NAKATAKDANG ideklara ang Nobyembre 16 hanggang 18 bilang special non-working days sa Metro Manila bilang bahagi ng paghahanda sa 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na dadaluhan ng mahigit 20 pinuno ng iba’t ibang bansa.

Kaugnay nito, tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kahandaan nitong magbigay ng seguridad sa mga lider at delegadong dadalo sa pagtitipon, at itataas sa full alert status ang antas ng alerto ng buong puwersa mula Nobyembre 15 hanggang 18.

Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., nasa 19,869 pulis ang ide-deploy upang tiyakin ang seguridad ng mga delegado, mga lugar na pagdarausan ng ASEAN activities, mga hotel na tutuluyan ng mga bisita at mga rutang dadaanan ng motorcade.

“The PNP is ready to provide security for the heads of state, foreign delegates, and other expected guests,” ani Nartatez.

Isasagawa ang deployment sa koordinasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Presidential Security Command (PSC), iba pang ahensya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan.

Hinimok din ni Nartatez ang publiko na subaybayan ang mga abiso tungkol sa trapiko at seguridad at planuhin nang maaga ang kanilang mga biyahe sa panahon ng summit.

“For our kababayans in Metro Manila, please be guided by the declaration of November 16 to 18 as special non-working days in the National Capital Region. We encourage everyone to monitor official traffic and security advisories and plan their travel accordingly,” aniya.

Inatasan din ng PNP chief ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at iba pang kinauukulang ahensya na plantsahin ang kanilang security preparations, tapusin ang deployment plans at tiyakin ang kahandaan ng mga security arrangement bago dumating ang mga dayuhang lider at delegado.

Ipinag-utos din niya ang pagpapalakas ng intelligence monitoring sa Metro Manila at mga karatig-lugar upang matukoy at mapigilan ang anumang posibleng banta sa seguridad.

(JESSE RUIZ)

35

Related posts

Leave a Comment