SEN. ERWIN TULFO, PINURI NCDA SA LIFETIME VALIDITY NG UNIFIED PWD ID

PINURI ni Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development Chairman Sen. Erwin Tulfo ang patakaran ng National Council on Disability Affairs (NCDA) na magkaloob ng lifetime validity sa Unified Persons with Disabilities (PWD) identification cards ng mga indibidwal na may permanenteng kapansanan.

Sa ilalim ng NCDA Administrative Order No. 001, Series of 2026, itinatatag ang isang digitally integrated at nationally recognized identification system para sa mga kwalipikadong PWD. Layunin din nitong mapigilan ang pamemeke at paggamit ng mga pekeng PWD ID.

Nagpasalamat si Tulfo sa NCDA dahil binigyang-pansin nito ang kanyang panukalang gawing lifetime valid ang PWD ID sa pamamagitan ng Senate Bill No. 1405.

“Isang malaking hakbang ito na pagaanin ang pasanin ng mga kababayan nating PWDs dahil ang ibig sabihin ng lifetime validity, menos gastos sa pagkuha ng medical certificate tuwing magrerenew. Ibig sabihin din po nito, mababawasan yung pag-aasikaso ng mga PWDs na kadalasang pahirap sa kanila lalo na sa kanilang kondisyon,” ani Tulfo.

Ayon pa sa senador, kapag naisabatas ang kanyang panukala, lalo nitong mapalalakas ang kasalukuyang administrative order ng NCDA.

“Doble-kayod kami sa aming komite para masigurong tuloy-tuloy ang pagsasabatas ng lifetime validity ng PWD IDs,” ani Tulfo.

Sa ilalim ng mga alituntunin ng NCDA, hindi na kailangang dumaan muli sa buong proseso ang mga dati nang may PWD ID. Kailangan na lamang na mapaberipika ang kanilang disability certificates sa mga medical specialist.

Samantala, ang mga bagong aplikante para sa Unified PWD ID ay kailangang magsumite ng certificate of disability na pirmado ng isang lisensyadong medical specialist.

36

Related posts

Leave a Comment