NAITALANG zero COVID-19 na ang Barangay Bagumbayan North, Bagumbayan South at San Rafael Village, ayon kay Mayor Toby Tiangco.
Anim naman ang gumaling sa COVID-19 sa lungsod noong Oktubre 15, ngunit may nadagdag na limang bagong kumpirmadong kaso.
Sumampa na sa 5,031 ang tinamaan ng COVID sa Navotas. Sa bilang na ito, 144 na ang namatay, 114 ang active cases at 4,773 ang gumaling.
“Natutuwa po tayo na pababa na ang bilang ng mga nahahawaan sa ating lungsod. Nagpapasalamat din tayo sa lahat ng mga patuloy na sumusuporta sa ating kampanya laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng pagsunod sa safety measures,” ani Tiangco.
Sa kabila nito, pinaalalahanan pa rin ng alkalde ang mga nasasakupan na patuloy na mag-ingat dahil nariyan pa rin ang panganib ng nakamamatay na virus.
Kaugnay nito, pinangunahan ni Cong. John Rey Tiangco ang pagtanggap ng 290,135 face masks mula kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Undersecretary Rene Glen Paje bilang bahagi ng “Libreng Masks Para sa Bayan” na programa ng DSWD.
May nauna nang 4,000 masks na ibinigay ang DSWD noong bumisita ang Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) team sa Navotas noong Setyembre.
Ang mga mask ay ipamamahagi sa mga mahihirap na pamilyang Navoteño. (ALAIN AJERO)
