IDINEKLARA ng Fifth Division ng Sandiganbayan bilang mga pugante ang tatlong kapwa akusado ng dating mambabatas na si Zaldy Co kaugnay ng mga kasong graft na isinampa laban sa kanila.
Sa anim na pahinang resolusyong inilabas noong Nobyembre 10, iniutos din ng anti-graft court ang pagkansela sa mga pasaporte nina Timojen Sacar, Anthony Ngo at Consuelo Aldon.
Nakasaad sa resolusyon na nananatiling malaya ang tatlo sa kabila ng mga warrant of arrest at hold departure order na inilabas laban sa kanila noong Nobyembre 21, 2025.
“Dahil sa pagiging high-profile ng kasong ito, makatwirang isipin na alam ng mga akusado ang tungkol sa mga prosesong kriminal at ang mga umiiral na warrant na inilabas laban sa kanila,” ayon sa desisyong isinulat ni Associate Justice Zaldy Trespeses.
“Samakatuwid, ang pananatili sa labas ng abot ng mga awtoridad habang lubos na batid ang mga nakabinbing warrant of arrest ay nagpapatunay sa sadyang intensyon ng mga akusado na iwasan ang proseso ng hukuman. Sa pagpiling manatiling malaya sa loob ng halos isang taon, ang mga akusadong sina Sacar, Ngo, at Aldon ay maituturing na ngayong mga pugante,” dagdag pa sa resolusyon.
Nahaharap sina Co at ang tatlo sa mga kasong graft na may kaugnayan sa umano’y mga anomalya sa mga proyektong pang-imprastraktura at flood control.
Nananatili ring malaya si Co, dating kinatawan ng Ako Bicol party-list, bagaman naiulat noon na maaaring nasa Europa siya.
(JULIET PACOT)
169 