OPISYAL nang nanungkulan si Commissioner Charlito Martin R. Mendoza bilang bagong pinuno ng Bureau of Customs (BOC) nitong Nobyembre 19, 2026 matapos ang isang taong panunungkulan bilang commissioner ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., si Commissioner Mendoza na nagbabalik lamang sa Aduana kung saan nagsilbi ito bilang District Collector ng Port of Cebu at pinanumpa nitong nakalipas na linggo paraa magsilbi bilang bagong BOC Commissioner.
Taglay niya ang karanasan sa operasyon ng Customs, pangangasiwa sa koleksiyon ng kita ng pamahalaan, at pagsusulong ng mga reporma sa pampublikong sektor. Nagsilbi rin siya bilang Undersecretary for the Revenue Operations Group ng Department of Finance (DOF).
Sa ginanap na turnover ceremony, pormal na ipinasa ng outgoing BOC Commissioner at bagong talagang President and Chief Executive Officer ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na si Ariel F. Nepomuceno, ang pamumuno sa BOC kay Commissioner Mendoza.
Sa kanyang unang talumpati bilang pinuno ng kawanihan, binigyang-diin ni Commissioner Mendoza ang pagpapatuloy ng nasimulang mga programa at ang kahalagahan ng pagpapalawak at pagpapahusay sa mga umiiral nang reporma ng ahensya.
“Matibay ang aking paniniwala sa paggaya at pagpapatupad ng mga mabubuting pamamaraan, sa pamamagitan ng pag-aangkop ng mga ito sa kasalukuyang mga kondisyon,” pahayag ni Commissioner Mendoza.
Batay sa kanyang karanasan sa BOC at BIR, tinukoy ni Commissioner Mendoza ang mga repormang napatunayang mabisa sa pangangasiwa ng koleksiyon ng buwis at kita ng pamahalaan, habang kinikilala ang magkakaibang pangangailangan sa operasyon ng dalawang ahensya.
“Kabilang sa mga napatunayang epektibong programa ng BOC at BIR ang pagbabawas ng burukrasya, pagpapalawak ng digitalisasyon, pagpapasimple ng mga proseso, pagpapahigpit ng pagpapatupad ng batas, paglilinaw ng mga patakaran, pagtanggal sa mga hindi kanais-nais na gawain at tauhan, at pagpapalit sa kawalan ng katiyakan ng isang sistemang malinaw at maaasahan,” ani Mendoza.
Habang naghahanda ang BOC na abutin ang target na koleksyon na P1.074 trilyon sa 2027, nanawagan si Commissioner Mendoza ng mas mahigpit na koordinasyon sa mga District Collector upang suriin ang kanilang performance sa koleksiyon, tugunan ang mga suliranin sa operasyon at tukuyin ang kinakailangang suporta upang makamit ang kani-kanilang target.
Pagpapabilis ng proseso sa pantalan
Pagdating sa pagpapadali ng kalakalan, inilahad ni Commissioner Mendoza ang mga planong pahusayin ang proseso ng cargo clearance at bawasan ang mga pagkaantalang nararanasan ng mga importer.
“Nangangahulugan ito ng pagpapabilis sa pagpapalabas ng mga kargamento, pagbibigay-daan sa mga importer na masubaybayan ang kanilang mga shipment, matukoy ang mga kulang na dokumento at maisaayos ang mga pagkaantala sa pamamagitan ng online platforms. Layunin nating magkaroon ng mas tiyak na panahon ng clearance at mabawasan ang mga shipment na naiipunan ng bayarin sa imbakan at container habang nananatili sa pantalan,” paliwanag ni Mendoza.
Binigyang-diin din niya na ang mahusay na proseso sa Customs ay dapat makinabang hindi lamang sa mga komersyal na kargamento kundi maging sa mga padalang kahon ng overseas Filipino workers (OFWs) at iba pang Pilipino mula sa ibang bansa.
“Magkarga man ito ng isang container na pinagkukunan ng kabuhayan ng maraming tao o isang kahon na naglalaman ng bunga ng pagsisikap at paghahanapbuhay ng isang mahal sa buhay, dapat itong maproseso nang mabilis at walang hindi kinakailangang pagkaantala,” aniya.
Mas mahigpit na kampanya laban sa smuggling
Pagdating naman sa pagpapatupad ng batas, nagbigay si Commissioner Mendoza ng malinaw na direktiba upang palakasin ang mga hakbang laban sa lahat ng uri ng smuggling, partikular na ang ilegal na pagpasok ng mga produktong agrikultural sa bansa.
“Sa usaping ito, malinaw ang aking tagubilin: Higpitan natin ang pagbabantay at pagpapatupad ng batas laban sa smuggling, lalong-lalo na sa ilegal na pagpasok ng mga produktong agrikultural,” mariing pahayag ni Commissioner Mendoza.
Karanasan sa BOC at BIR
Bago ang kanyang pagbabalik sa pamumuno ng BOC, nagsilbi si Commissioner Mendoza bilang District Collector ng Port of Cebu mula Hulyo 2019 hanggang Oktubre 2022. Sa kanyang pamumuno, pinangunahan niya ang pagpapahusay sa koleksyon ng kita, pangangalaga sa mga hangganan ng bansa, operasyon ng Customs at pakikipag-ugnayan sa mga stakeholder.
Sa kabila ng mga pagkaantalang dulot ng pandemya ng COVID-19, nalampasan ng Port of Cebu ang target nitong koleksiyon noong 2020, matapos makalikom ng humigit-kumulang P30.8 bilyon mula sa mga taripa at buwis.
Sa kanyang panunungkulan, naging kauna-unahang collection district din ng BOC ang Cebu na nakakuha ng ISO 9001:2015 certification na sumasaklaw sa pangunahing pantalan nito at lahat ng mga subport.
Sa loob naman ng isang taon bilang commissioner ng Bureau of Internal Revenue mula Nobyembre 2025 hanggang Nobyembre 2026, inilunsad ni Mendoza ang BIR DARES reform agenda, ipinatupad ang komprehensibong mga reporma sa tax audit, pinabilis ang digital transformation, pinahigpit ang kampanya laban sa tax evasion at mapahusay ang mga serbisyong ibinibigay sa mga nagbabayad ng buwis.
Bago nito, bilang DOF Undersecretary for the Revenue Operations Group mula Abril 2024 hanggang Nobyembre 2025, pinangasiwaan niya ang operasyon at performance sa koleksiyon ng kita ng BIR at BOC.
Si Commissioner Mendoza ay isang abogado at lisensyadong geodetic engineer na nagtapos bilang ikatlong pinakamataas sa 2004 Philippine Bar Examinations.
(JESSE RUIZ)
28 