RIZAL – Huli ang tatlong umano’y tulak ng droga na nakumpiskahan din ng granada at baril sa anti-illegal drugs operation ng mga awtoridad sa bayan ng Cainta sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat ni P/Maj. Joel Custodio, hepe ng Provincial Intelligence Unit (PIU), kinilala ang mga nadakip na sina Alex Almujela y Escalona, Michael Viterbo y Gamboa, at Adriel Ballesteros y Andalus, pawang ng Brgy. San Andres ng nabanggit na bayan.
Napag-alaman, dakong alas-7:25 ng gabi noong Hunyo 7, nagsagawa ng buy-bust operation ang grupo ni P/Lt. Jackson Aguyen ng Provincial Intelligence Unit, na nagresulta sa pagkakadakip sa tatlong suspek sa Dimanlig St., Felix Subd., Brgy. San Andres sa lugar.
Nakumpiska sa mga ito ang 12 sachet ng shabu na nasa 70 gramo at P476, 000 ang halaga, buy-bust money, isang cal. 38 na kargado ng 5 bala at isang hand grenade.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sec. 5 at 11, Article II ng RA 9165, RA 10591 in relation to Comelec Gun Ban at RA 9156 amending PD 1866. (ENOCK ECHAGUE)
221 