QUEZON – Tatlong construction workers ang namatay nang ma-suffocate sa ilalim ng lupa na kanilang hinuhukay sa isang bridge project sa bayan ng Mulanay sa lalawigang ito, noong Lunes.
Batay sa report ng Quezon PNP noong Martes, kinilala ang mga namatay na sina Jesus Largo III, 19; Mac Mac Valenzuela, 18, at Sandy Azuelo Basillo, 27, mga residente ng Labo at Paracale, Camarines Norte.
Ayon sa imbestigasyon, naghuhukay ng paglalagyan ng poste ng tulay na proyekto ng Philippine Rural Development Project (PRDP), ang pitong manggagawa kasama ang tatlong biktima sa Sitio Sampiro, Brgy. Patabog nang mangyari ang insidente.
Isa sa mga biktima ang nasa ilalim ng hukay na tinatayang may lalim na 7.5 metro at may luwang na isang metrong diametro.
Subalit nang matuklasan ng mga kasamahan na tila hindi na sumasagot ang biktima, agad itong sinaklolohan ng tatlong kasamahan at magkakasunod na bumaba sa hukay sa pamamagitan ng tali.
Hanggang sa sumigaw na ang ikaapat at humingi ng tulong sa ibang kasamahan sa itaas dahil hindi na niya umano kaya ang amoy at kapos na sa hangin sa ilalim. Mabilis itong hinatak pataas ng mga kasamahan at nailigtas.
Isa-isa ring hinatak ang tatlong iba pa subalit pawang wala nang ulirat ang mga ito.
Isinugod pa ang tatlo sa pagamutan sa naturang bayan subalit lahat ay idineklarang dead on arrival ng doktor. (NILOU DEL CARMEN)
199 