ARESTADO ng mga tauhan ng Raxabago Police Station 1 ng Manila Police District, ang tatlong tinaguriang “Jumper Boys” na umaakyat at nagnanakaw sa mga biyahero ng gulay at driver ng container vans, habang nag-uumpukan sa Aroma Compound, Barangay 105, Tondo, Manila noong Sabado ng hapon.
Nadakip ang mga suspek na kinilalang sina alyas “Aying”, 23; “Frank”, 18, at “Paul”, 18, habang nagsusugal ng cara y cruz at nakumpiskahan ng improvised na baril at hinihinalang shabu na tinatayang P6,000 ang street value.
Ayon sa ulat ni Police Captain Ryan Jay Balagtas, 10 Charlie Line Beat 1 commander, ng MPD Station 1, na pinangasiwaan ni Police Lieutenant Colonel Ronald De Leon, station commander, bandang alas-3:55 ng hapon nagsasagawa ang mga awtoridad ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) sa kanilang area of responsibility (AOR), nang mamataan nila ang mga suspek habang nagkukumpulan sa nabanggit na lugar.
Bunsod nito, sinita ng mga awtoridad ang grupo na nadiskubreng nagsusugal ng cara y cruz at nakumpiskahan ng improvised gun at umano’y shabu.
Naniniwala naman si MPD Director Police Brigadier General Arnold Evangelista Abad na ang mga nadakip ay kabilang sa grupong tinaguriang “Jumper Boys.”
Ang mga suspek ay pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 (illegal gambling) Republic Act 10591 (illegal possession of firearms) at Republic Act 9165 (illegal drugs).
(RENE CRISOSTOMO)
103
