3 ‘KALAKAL BOYS’ HULI SA CHOP-CHOP NA MOTORSIKLO

KALABOSO ang tatlong “kalakal boys” makaraang maaktuhan habang kinakatay ang dalawang nakaw na motorsiklo sa Navotas City nitong Miyerkoles ng madaling-araw.

Swak sa hoyo ang mga suspek na sina Raymond Rey, 36; Marvin Villamor, 24, at Jerwin Tadim, 22, pawang mga scavenger at residente sa Permanent Housing sa Brgy. 128, Balut, Tondo, Manila.

Napag-alaman, dakong alas-2:00 ng madaling araw nang matuklasan ng factory worker na si Juvanie Lastimozo, 29, na nawawala ang kanyang pulang Sym Bonus SR motorcycle na iniwang nakaparada sa harap ng kanyang bahay sa #204 Encarnacion St., Brgy. San Rafael Village kaya’t dumulog ang biktima sa pulisya.

Dagling nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis kasama ang biktima sa Brgy. San Rafael Village, hanggang maispatan ang mga suspek na kinakatay ang dalawang motorsiklo dakong alas-3:00 ng madaling araw.

Sinabi ni Lastimozo na isa sa dalawang motorsiklong kinakatay ay kanya kaya’t dinakip ang mga suspek at kinumpiska ang isa pang ipinalalagay na nakaw na motorsiklong Honda Beat na may plakang P1168 JC.

Inilipat sa pangangalaga ng Anti-Carnapping Unit ang nasabing Honda Beat para matukoy kung sino ang may-ari nito habang ang mga suspek ay kakasuhan ng paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016 sa Navotas City Prosecutor’s Office. (ALAIN AJERO)

163

Related posts

Leave a Comment