3 KATAGAY PINATAY, SUSPEK NAGPAKAMATAY

patay

PATAY rin ang suspek sa pamamaslang sa tatlo niyang kainuman nang magbaril sa kanyang sarili ilang minuto matapos pagbabarilin ang mga biktima sa bayan ng Santa Marcela sa lalawigan ng Apayao.

Ito ang inihayag ng Santa Marcela Police matapos na arestuhin ang ama ng suspek dahil sa pagkuha nito Glock 17 9mm pistol na ginamit ni Norvie Pacheco, 32, sa pamamaril sa mga biktima na ikinasugat ng isa pa nilang kainuman.

Sa follow-up operation, narekober ang Glock 17 mula sa ama ng suspek kaya nahaharap ito sa kasong obstruction of justice at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act dahil sa pagtatago nito sa murder weapon na ginamit sa krimen.

Kinilala naman ang mga napatay na sina Bong Badua Ramirez, 48; Ryan Santi Soriano, 39; at Edmar Turilla Aguinaldo, 30, habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang isa pang katagay na si Stephen Salvatiera, 33-anyos.

“Pagkatapos na binaril ang mga kainuman niya, mga ilang segundo lang, nagbaril din sa sarili kaya bumulagta rin siya kung saan niya binaril ang mga kainuman niya,” ani P/Lt. Alvaro Secligen, chief of police ng bayan.

Sinasabing nag-iinuman ang suspek at mga biktima sa bahay ng isang kaibigan, nang biglang naglabas umano ng baril si Pacheco at pinaputukan ang mga kainuman.

Ayon kay P/Lt. Secligen, lumitaw sa imbestigasyon na walang nangyaring pagtatalo, “Parang normal na inuman lang, kasi birthday ‘yun. Wala man lang sagutan na nangyari o kaya’y awayan basta ganun na lang na tumayo at binaril ang mga kainuman niya.” (JESSE KABEL)

161

Related posts

Leave a Comment