3 LUGAR SA CAVITE, COVID-19 HOT SPOTS

CAVITE – Inilagay sa hot spot ang tatlong lugar sa lalawigang ito dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng nagiging positibo sa COVID-19.

Ayon kay Cavite Gov Johnvic Remulla, kabilang ang mga lungsod ng Dasmariñas at Bacoor at bayan ng Rosario sa isinailalim sa hot spot dahil sa patuloy na tumataas na bilang dito ng mga nagpopositibo na karamihan umano ng kaso ng COVID-19 ay galing sa Metro Manila.

Dagdag pa ni Remulla, sa Martes, na posibleng magiging modified general community quarantine (MGCQ) ang lalawigan ng Cavite, ay ire-resume na ang Church services bagama’t 50% lamang ang puwedeng pumasok sa loob ng simbahan at iiral pa rin ang panuntunan sa seremonya sa pagmimisa kabilang ang social distancing at bawal ang paghahawak-kamay.

Magandang balita rin sa mga Cavitenyo na maari nang magpunta kahit sa anumang mall ngunit ipaiiral pa rin ang dating panuntunan na isang oras at kalahati lang dapat ang itatagal ng mall goers, simula sa Hulyo 22.

Matatandaan, maaari lamang pumunta sa isang mall kung saan bayan o lungsod ang sumasakop sa naturang mall.

Binawasan din ng 30 minuto ang curfew sa buong lalawigan ng Cavite mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-4:30 ng madaling araw para bigyan ng pagkakataon ang magtratrabaho nang maaga bagama’t nalulungkot ang gobernador dahil mahigpit pa rin ang ipaiiral na panuntunan sa transportasyon kabilang ang pagbabawal sa angkas kahit na mag-asawa. (SIGFRED ADSUARA)

167

Related posts

Leave a Comment