3 NURSE NA STRANDED SA SAUDI, BALIK-PINAS

MULING makakapiling ng kani-kanilang pamilya ang tatlong nurse matapos ang mahigit isang taong pagka-stranded sa Kingdom of Saudi Arabia.

Ayon sa mga nurse, ilang beses nakansela ang repatriation efforts ng pamahalaan hanggang naubusan na sila ng pera at napaalis sa tinitirhan nilang bahay.

Ikinatakot ng mga ito na hindi sapat ang kanilang ipon dahil walang kasiguraduhan ang kanilang pag-uwi kaya naisipan nilang humingi na ng tulong sa kanilang lokal na opisyal.

Nitong nakalipas na Agosto 14, lumapit kay Palayan City Mayor Adrianne Mae Cuevas ang isang kaanak ni Sherlyn Macatlang, nurse at residente ng Brgy. San Isidro, Cabanatuan City, dahil sa pagkakatengga ng huli sa Saudi mula 2020.

Agarang inalam ni Mayor Cuevas kay Macatlang ang problema at nabatid na natapos ang kontrata nito sa King Faisal Medical Center sa Taif, Kingdom of Saudi Arabia noong unang linggo ng Hunyo 2020 at ninais nilang makauwi pero hindi natuloy dahil sa COVID-19 restrictions.

Agad ipina-book ni Mayor Cuevas, na isa ring nurse, ang pag-uwi sa bansa ni Macatlang na dumating na noong Agosto 24.

Nakatakda rin ang pag-uwi ng dalawa pang nurse na sina Jennylyn de la Cruz ng General Natividad at Maria Angelica de Guzman ng Aliaga sa Sep. 12, taong kasalukuyan. (ANNIE PINEDA)

166

Related posts

Leave a Comment