Tatlo pang bansa sa ibayong-dagat ang idinagdag sa listahan na ipagbabawal ang pag-import ng mga karneng baboy dahil sa African Swine Fever (ASF).
Kabilang sa mga bansang ito ang Myanmar, Serbia at South Korea na pinaniniwalaang kontaminado ng ASF.
Bukod sa tatlo, kasama na rin sa listahan ang mga bansang Belgium, Bulgaria, Cambodia, China, Czech Republic, Hong Kong, Hungary, Laos, North Korea, Latvia, Moldova, Mongolia, Poland, Romania, Russia, South Africa, Ukraine, Vietnam at Zambia.
Matatandaang noong Setyembre 18, nag-isyu ng updated na listahan si Bureau of Customs (BOC) Deputy Commissioner for Assessment and Operations Coordinating Group Edward James Dy Buco sa lahat ng district at sub-port collectors para sa mga bansang pinaniniwalaang kontaminado ng ASF.
Nagbigay rin ito ng direktiba sa mga opisyal para makipag-ugnayan sa Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry personnel ng international air and sea ports para sa pagsasagawa ng masusing inspeksyon lalo sa check-in and hand-carry luggage sa mga incoming passengers na mula sa ASF affected countries.
Iniutos nitong kumpiskahin at sirain ang lahat ng baboy at iba pang produktong may kinalaman dito sa loob ng 24 oras kapag nagpositibo.
Magugunitang ipinagbawal ng BOC ang mga dayuhang barko at eroplano, lalo na ang mga huling ‘port of call’ mula sa mga bansang apektado ng ASF mula sa pagbaba ng kanilang kitchen refuse, leftover at food wastes bilang bahagi ng pagprotekta ng virus na makapasok sa bansa.
Ang nasabing patakaran ay nakabase sa ilalim ng Section 118 (g) ng Customs Modernization and Tariff Act. (Joel O. Amongo)
