(NI JOSEPH BONIFACIO)
MGA LARO NGAYON:
(SMART ARANETA COLISEUM)
8:00 A.M. – FEU VS NU (WOMEN’S)
10:30 A.M. – UST VS UE (MEN’S)
12:30 P.M. – FEU VS UP (MEN’S)
4:00 P.M. –ATENEO VS ADAMSON (MEN’S)
(UST GYM)
8:00 A.M. – ATENEO VS UE (WOMEN’S)
10:00 A.M. – DLSU VS UP (WOMEN’S)
SISIMULAN ng defending champion Ateneo ang three-peat bid laban sa palaban at contender ding Adamson sa tampok na sagupaan ng triple-bill opener ng 82nd University Athletic Association of the Philippines (UAAP) men’s basketball tournament ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Ang Blue Eagles at Soaring Falcons ay magsasagupa sa alas-4:00 ng hapon.
Bago ang sagupaan ng Ateneo at Adamson, maghaharap muna sa alas-10:30 ng umaga ang UE Red Warriors at UST Growling Tigers, kasunod ang FEU Tamaraws laban sa UP Fighting Maroons sa alas-12:30 ng tanghali.
Paborito pa rin ang Ateneo sa torneo, bunga ng back-to-back title nito at laban sa Falcons, armado ang Eagles ng championship experience, bukod pa sa halos buo pa rin ang core ng team sa pangunguna nina Angelo Kouame, Thirdy Ravena at Isaac Go.
Umaasa rin si head coach Tab Baldwin na maipapamalas ng kanyang mga alipores ang kakayahan na maipagtanggol ang kanilang titulo, lalo na’t huling taon na ito nina Ravena at ng kambal na sina Matt at Mike Nieto, pati na si Isaac Go.
“For us, it’s pretty simple, it’s Adamson because they’re the next team,” komento ni Baldwin, na hindi kumpiyansa dahil batid niyang bibigyan sila ng sakit ng ulo ng Franz Pumaren-mentored Falcons, na runnerup nila sa Season 81 prelims.
Sasandal naman si Pumaren sa mga beteranong sina Jerrick Ahanmisi, Jerom Lastimosa at skipper Simon Camacho, matapos grumaduate sina Papi Sarr, playmaker Jerie Pingoy at versatile forward Sean Manganti.
“Ateneo’s gotta be the team to beat. From player 1-16, skills-wise, they’re all the same. Ateneo is no. 1. I think we’re one of the youngest teams this season. Hopefully these guys can adapt right away to senior level,” pahayag ni Pumaren.
Samantala, papagitna na rin ang women’s basketball, kung saan ang five-time champion NU ay sisimulan ang kampanya para sa kanilang 81 sunod na panalo sa pagharap sa FEU sa alas-8:00 ng umaga.
Bukod dito, may dalawa pang larong gagawin sa UST gym at tampok ang pagsasagupa ng Ateneo at UE sa alas-8:00 ng umaga at ang La Salle-UP clash sa alas-10:00.
Hangad ng UAAP na bilisan ang kanilang iskedyul upang hindi magkaroon ng conflict sa 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre 30-Disyembre 11.
