3 PULIS HINATULAN NG ‘DOUBLE LIFE’ SA PAGPATAY SA ANAK NG MAYOR

QUEZON – Hinatulan bilang guilty sa kasong double murder ng Lucena RTC nitong Huwebes ng umaga ang tatlong dating pulis na pangunahing akusado sa pagpatay sa anak ng mayor ng bayan ng Sariaya na si Christian Gayeta at sa kasama nitong si Christopher Manalo noong March 13, 2019.

Ayon kay Atty. Crisanto Buela, legal counsel ng pamilya Gayeta, hinatulan ni Judge Dennis Orendain ng Branch 53 ng Lucena  RTC, sina dating Tayabas Police chief, Lt. Col. Mark Joseph Laygo, Cpl. Lonald Sumalpong at Pat. Robert Legaspi ng double life imprisonment dahil sa pagpatay sa dalawang biktima.

Hindi nakarating sa promulgasyon ng kaso ang tatlong akusado dahil magiging ‘risky’ ang pag-transport sa naturang high risk prisoners.

Ayon pa kay Buela, nauna nang humiling ang warden ng Talipan District Jail sa Pagbilao, Quezon kung saan nakakulong ang tatlo, na sa pamamagitan na lamang ng video conference pakikinggan ng mga akusado ang paghatol dahil sa security reason.

Matapos ang pagbasa ng hatol, nagpalakpakan sa tuwa ang mga supporter ng pamilya ng mga biktima na maaga pa lamang ay nasa harap na ng gusali ng Lucena Hall of Justice, nang ihayag nina Mayor Marcelo Gayeta Jr. at Buela ang desisyon ng korte.

Batay sa record, noong Marso 13, 2019 ng gabi nang hulihin umano sa checkpoint ng mga miyembro ng Tayabas Police na noon ay pinamumunuan ni Laygo, sa Barangay Angustias, Tayabas ang dalawang biktima habang lulan ng sasakyan na minamaneho ni Manalo.

Hinuli umano ang dalawa dahil sa paglabag sa Comelec gun ban dahil sa paparating na May 2019 election.

Subalit kinabukasan, bumulaga na lamang na bangkay na ang dalawa dahil ayon sa Tayabas Police ay nanlaban ang mga ito sa mga pulis matapos mahuli sa checkpoint. (NILOU DEL CARMEN)

232

Related posts

Leave a Comment