3 SUSPEK SA PAGPATAY SA PRODUCT SPECIALIST, ARESTADO; 3 PA TINUTUGIS SA BULACAN

BULACAN — Tatlong indibidwal ang naaresto kaugnay sa pagpatay sa isang 29-anyos na product specialist na natagpuang patay sa loob ng nasusunog na sasakyan sa Guiguinto, Bulacan noong Agosto 4.

Ayon sa Bulacan Police Provincial Office (PPO), tatlo pang suspek ang nananatiling nakalalaya at isinasailalim sa follow-up at manhunt operations.

Batay sa ulat ni PLtCol. Francis Magadia, Acting Chief of Police ng Guiguinto Municipal Police Station, natagpuan ng mga rumespondeng pulis ang bangkay ng biktima sa loob ng trunk ng isang nasusunog na Mitsubishi Mirage sa Purok 2, Barangay Daungan, Guiguinto.

Sa pamamagitan ng backtracking ng CCTV, masusing imbestigasyon at koordinadong operasyon, natunton ng mga imbestigador ang pinagmulan ng sasakyan sa isang bakanteng lote sa Barangay San Francisco, Bulakan, kung saan pinaniniwalaang isinagawa ang krimen.

Narekober sa crime scene ang iba’t ibang pisikal na ebidensya matapos ang pagproseso ng Bulacan Provincial Forensic Unit.

Naaresto ang unang suspek bandang alas-8:30 ng umaga noong Agosto 5 sa Barangay San Francisco, Bulakan, kung saan narekober din ang hinihinalang ginamit na sandata sa krimen.

Bandang alas-9:54 naman ng umaga ay naaresto ang ikalawang suspek sa San Vicente Fish Market sa Malolos City. Narekober sa operasyon ang isang caliber .45 pistol, mga bala at ang hinihinalang getaway vehicle na Suzuki APV.

Naaresto rin ang ikatlong suspek dahil sa kasong Obstruction of Justice.

Kinumpirma ng autopsy na pinatay muna ang biktima bago sinunog ang sasakyan.

Isa sa mga naarestong suspek ang nagbigay umano ng extrajudicial confession sa harap ng isang independent lawyer, habang natukoy na ng mga imbestigador ang tatlo pang suspek na pinaghahanap pa.

Kabilang sa mga narekober sa imbestigasyon ang isang bolo, mga cotton swab na may hinihinalang dugo, duguang polo shirt, drug paraphernalia, caliber .45 ARMSCOR pistol, mga bala ng caliber .45 at 9mm, at isang Suzuki APV na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.

Inihahanda na ng Bulacan PPO ang mga kasong murder, destructive arson, paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Obstruction of Justice laban sa mga suspek.

Sinabi ni Acting Provincial Director PCol. Jay Baybayan na magpapatuloy ang masusing imbestigasyon upang matiyak ang matagumpay na pag-uusig sa lahat ng sangkot.

(ELOISA SILVERIO)

59

Related posts

Leave a Comment