NEGOSYANTE TINANGAYAN NG CASH, DOLYAR AT ROLEX NG LIMANG RIDER SA BACOOR

TINANGAYAN ng humigit-kumulang P30,000 cash, US$3,000 at isang Rolex Yacht-Master Titanium wristwatch ang isang 51-anyos na negosyante matapos holdapin ng limang motorcycle rider sa loob ng isang restaurant sa Bacoor City, Cavite, Huwebes ng hapon.

Kinilala ang biktima sa alyas na “Bong,” residente ng Barangay Mambog II, Bacoor City.

Tinutugis naman ng pulisya ang limang suspek na nakilalang sina alyas Bok, Jacob, Tisoy, Jervin at Louie, na magkakaangkas sa dalawang Yamaha NMAX Version 1 at isang kulay itim na Honda PCX na walang plaka.

Batay sa salaysay ng biktima, naghihintay siya sa loob ng Lido Home of Chinese Restaurant nang huminto sa harap nito ang dalawang motorsiklo bandang alas-3:30 ng hapon.

Tatlo sa mga suspek ang pumasok sa restaurant habang nagsilbing lookout ang dalawa.

Pagpasok ng mga armado, tinutukan ng baril ang biktima at tinangay ang kanyang Louis Vuitton bag na naglalaman ng P30,000 cash, US$3,000 at isang Rolex Yacht-Master Titanium wristwatch bago tumakas patungong Zapote, Las Piñas City.

Nagsasagawa na ng CCTV backtracking ang pulisya upang matukoy at maaresto ang mga suspek.

(SIGFRED ADSUARA)

62

Related posts

Leave a Comment