PATAY ang lider ng Dawlah Islamiya-Hassan Group at apat nitong kasamahan sa ikinasang joint operation ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Barangay Inug-ug, Pikit, North Cotabato, nitong Huwebes, Agosto 7.
Kinilala ang mga napatay na sina Esmael, na itinuturing na lider ng grupo, Halim Sansawi Usman, Ali Hassan, Rasul Tito at Baby Ayunan Camsa.
Ayon sa ulat ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office, maghahain sana ng warrant of arrest ang mga awtoridad laban sa mga suspek na nahaharap sa kasong murder, frustrated murder, attempted murder at robbery.
Gayunman, nang kumbinsihin umano silang sumuko ng tactical team, pinaputukan umano ng mga suspek ang mga awtoridad na nauwi sa engkuwentro.
Napatay sa operasyon si Esmael, na tinaguriang Top 1 Most Wanted Person sa regional level sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at provincial level sa Maguindanao del Sur, at kabilang din sa priority targets ng AFP.
Ayon sa PNP, sa pamamagitan ng technical intelligence ay natukoy si Esmael bilang umano’y mastermind sa ambush noong Marso 28 na ikinasawi ng limang pulis at ikinasugat ng tatlo pa.
Samantala, si Usman ay sinasabing sangkot din sa ambush noong Hulyo 12 laban sa dalawang tauhan ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 12.
Narekober din umano sa kanilang pag-iingat ang mga service firearm ng dalawang pulis na napatay sa naturang insidente.
Sinabi ng PNP na malaking dagok sa Dawlah Islamiya-Hassan Group ang pagkakapatay sa limang miyembro nito na iniuugnay sa mga insidente ng ambush, harassment at pambobomba.
(TOTO NABAJA)
71 