CAVITE – Isa ang patay habang dalawa ang nakaligtas makaraang tamaan ng kidlat sa Trece Martires City sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.
Hindi umabot nang buhay sa Gen. Emilio Aguinaldo Hospital si Edwin Musa, 36, may-ari ng tindahan, sa MVS Hospital naman isinugod si Mark Arjay Layno, 26, isang tricycle driver, habang mild shock lamang ang dinanas ng isa pang hindi pinangalanan na residente ng Tanauan, Tanza
Ayon sa ulat, dakong alas-4:00 ng hapon nang mangyari ang insidente sa paradahan ng tricycle malapit sa Queens Joy sa Brgy. San Agustin, Trece Martires City.
Ayon kay Layno, bumibili siya ng sigarilyo sa tindahan ni Musa nang biglang kumidlat at pagkaraan ay sumakit ang kanyang likod.
Wala namang nakitang sugat sa katawan ni Layno kaya pinauwi rin ng mga doktor matapos suriin.
Napuruhan naman si Musa na may-ari tindahan sa ilalim ng puno ng akasya.
Ayon sa kanyang asawa na si Irene, sa likod tinamaan ng kidlat ang kanyang mister at sa lakas ng boltahe ay nangitim ang dibdib nito. (SIGFRED ADSUARA)
