CAVITE – Tinatayang P3.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa arestadong tatlong hinihinalang mga drug pusher sa isinagawang buy-bust operation sa harapan ng isang convenience store sa Dasmariñas City noong Martes ng hapon.
Kinilala ang mga naaresto na sina Saidamen Balbal y Andam, 24; Eugene Coyoca y Dagame, 32, at Samroding Macalnas y Bundas, 28-anyos.
Ayon sa ulat, dakong alas-12:30 ng hapon nang makipag-ugnayan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Pampanga sa PDEA Regional Office 4A Regional Special Enforcement Team (RSET), PDEA Cavite Police Office, at Dasmariñas City Police, hinggil sa isasagawang buy-bust operation sa harapan ng isang convenience store sa Paliparan-Molino Road, Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas City, Cavite na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nakuha sa kanila ang tinatayang 500 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P3,400,000, buy-bust money, isang cellphone, at isang wallet na may dalawang identification cards.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 in relation to Sec 26 (b) ng Art. II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspek. (SIGFRED ADSUARA)
—–
243