3 UMIWAS SA OPLAN SITA, SUGATAN

CAVITE – Sugatan ang tatlong kalalakihan nang makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad makaraang tangkang takasan ang isinasagawang Oplan Sita sa Dasmariñas City noong Miyerkoles ng madaling araw.

Nilalapatan ng lunas sa Pagamutan ng Dasmariñas ang mga suspek na sina Jose Pepito Rusco, 36; Abdul Samie, 33, at Domingo Macunay, nasa hustong edad, at pawang mga residente ng Moonwalk IV, Las Piñas City.

Ayon sa ulat ni Pat. Roderik Bajado ng Dasmariñas City Police Station, dakong alas-12:30 ng madaling araw nang mangyari ang insidente habang nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga operatiba ng PCP 4 Salawag ng Dasmariñas CPS.

Pinara umano ng mga pulis ang isang puting taxi na walang plaka. Ngunit imbes na tumigil ay pinaharurot ito ng driver palayo kaya hinabol ng mga awtoridad.

Pinaputukan umano ng mga suspek ang mga pulis na gumanti ng putok na nagresulta sa tatlong sugatan.

Nang inspeksyunin ang nasabing sasakyan, narekober ang iba’t ibang kalibre ng mga baril. (SIGFRED ADSUARA)

103

Related posts

Leave a Comment